VP Sara nagbigay pugay sa mga OFWs, front liners sa araw ng Pasko
Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes ang mga overseas Filipino worker (OFWs) at frontline workers na nawalay sa kanilang mga pamilya ngayong Araw ng Pasko dahil sa kanilang mga pang-araw-araw na trabaho.
Sa magkahiwalay na video messages na ipinost sa kanyang social media page, kinilala ni Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng mga OFW, gayundin ng mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa.
“Dahil sa inyong mga sakripisyo, ang ating ekonomiya ay nananatiling matatag. Kayo ang repleksyon ng progreso at talento na nag-aangat sa bandila ng Pilipinas saan mang panig ng mundo. Maraming salamat sa inyong lahat, ang mga bagong bayani ng ating bansa,” saad nito .
Nangako rin si Duterte na susuportahan ang adhikain ng OFW para sa magandang kinabukasan.
“Ang lagi kong dasal na ang inyong mga pagsisikap ay masusuklian ng tagumpay para sa inyong mga anak, pamilya, at sarili ay magkaroon ng maginhawang kinabukasan. Makakaasa kayo na nasa inyong likuran upang sumuporta sa inyong mga pangarap, pagsisikap, at sa inyong paglalakbay tungo sa magandang kinabukasan,” Pahayag ng Bise Pangulo.
Ipinaabot din ng Bise Presidente ang kanyang holiday greetings sa mga frontliners, kabilang ang mga sundalo, pulis, bumbero, at mga health worker na kailangang magdiwang ng Pasko nang wala sa bahay dahil sa trabaho.
Aniya, ang kanilang mga sakripisyo ay nagdudulot ng karangalan sa kanilang pamilya sa kabila ng hindi nila kasama sa araw ng Pasko.
“Ang inyong walang pag-iimbot na pangako at kahandaang magsakripisyo para sa Diyos, ating bansa, at inyong mga pamilya ay nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at katatagan. Kayo ay sumimbolo ng katapangan at pagkakawanggawa habang pinoprotektahan ninyo ang ating bansa,” Sinabi ni Duterte.