Rep. Duterte kay France Castro: Huwag kang balat-sibuyas
Binira ni Davao City Representative Paolo Duterte na hindi dapat maging balat-sibuyas si House Deputy Minority Leader France Castro sa mga komento ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Rumesbak ang nakababatang Duterte matapos magsampa ng grave threat na reklamo si Castro laban sa dating pangulo dahil sa kanyang mga sinabi sa isang panayam sa telebisyon na nag-tag sa kinatawan ng ACT Teachers party-list bilang isang komunista na gusto niyang patayin.
“Lahat tayo ay may karapatang magsampa ng reklamo laban sa sinuman sa korte. Ngunit ang mga pampublikong tagapaglingkod ay hindi dapat maging balat-sibuyas at hindi dapat gamitin ang karapatang ito bilang kasangkapan upang patahimikin ang mga kritiko. Ang dating pangulo ay nakatanggap ng mas marahas at nakakahiyang mga batikos sa nakaraan ngunit hindi kailanman nagsampa ng kaso laban sa sinuman,” sabi ng mambabatas ng Davao.
“Bilang mga pampublikong tagapaglingkod, lahat tayo ay nasa ilalim ng pagsusuri ng sambayanang Pilipino. Kung may sinabi ang dating pangulo na nagbanta sa kanya, siguro dapat siyang lumabas nang malinis. Di ‘yung nagtatago tayo sa likod ng so-called right na ito. Tigilan na lang natin ang kadramahan at pagpapa-media,” Saad nito .
Bilang tugon, iginiit ni Castro na ang kampo ng dating pangulo ay dapat na harapin nang husto ang mga kaso sa halip na sisihin ang iba.
“Bakit parang ako pa ang may kasalanan, samantalang buhay ko ang pinagbantaan at muling ni-redtag? Nagsampa ako ng kasong grave threats laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil pinoprotektahan ko ang aking sarili, ang aking pamilya, at ang aking mga kasamahan. Ito ay malayong naiiba sa mga kritisismo at hindi dapat ipagpaliban dahil ito ay nagtataguyod ng estado ng impunity,” aniya sa isang hiwalay na pahayag.
“At saka, ang doktrina sa balat ng sibuyas kahit sa mga kasong libelo ay hindi nagbibigay ng lisensya sa sinuman na maglabas ng mga banta sa kamatayan. Ang lehitimong pagpuna sa mga pampublikong opisyal ay may bisa ngunit ang pagpuna ay iba sa pagbabanta ng kamatayan. Ang ginawa ni Duterte ay hindi pambabatikos, kundi pananakot. Dati sinasabi nila na dapat magsampa ng kaso ang mga tao kung naagrabyado sila sa kanila, pero bakit ngayon inaatake na nila ang biktima?” dagdag ni Castro